SAP Bong Go, pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mga nasunugang residente ng Malabon; mga biktima na nais umuwi na lang sa probinsya, tutulungan ng gobyerno

Pinangunahan ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ang distribusyon ng food packs at relief goods para sa mga nasunugang residente ng Sitio 6 ng Barangay Catmon, Malabon City.



Sa kanyang mensahe, iginiit ni SAP Go na gawain na nila noon pa man ni dating mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte na mag-ikot at tumulong sa mga biktima ng sunog sa Davao City.

Aniya nais iparating ng Pangulo na handa ang gobyerno at mananatiling bukas ang kanyang tanggapan para sa anumang hihinging tulong ng mga biktima.

Kasabay nito, nag-alok  din ang long-time aid ng Pangulo ng libreng sakay sa eroplano o barko at livelihood para sa mga residente ng Barangay Catmon na nais na lang umuwi sa Visayas o Mindanao at doon magsimulang bumangon.

Matatandaan nitong Huwebes (May 24), aabot sa isanlibong pamilya ang nawalan ng tirahan sa sumiklab na malaking sunog na umabot ng Task Force Bravo.



Halos limandaang bahay ang natupok sa insidente at tinatayang nasa P4.5-M ang halagan ng pinsala.

 Dahil dito, nagdeklara ng ‘state of calamity’ sa lugar ang Malabon local government. | via Shane Juan