SAP Bong Go, nililinaw ngayon na wala siyang hamon na saksakan ng ballpen kay opposition Senator Antonio Trillanes IV

Nililinaw ngayon ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na wala siyang sinasabing magsaksakan sila ng ballpen ni Senador Antonio Trillanes IV.

Ang pahayag ay ginawa ni Go matapos ang naglabasang balita na sa ballpen umano niya sinabing daanin ang una niyang hamon na one-on-one kay Trillanes.

Sa kanyang pagdalo bilang panauhing pandangal sa ika-30 taong anibersayo ng implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa bansa, sinabi ng long-time aide ng Pangulo na malinaw sa kanyang pahayag nitong weekend na puro umano ‘dada’ ang senador at palaging ballpen ang hanap dahil sa paggigiit nito na pumirma siya at ang Pangulo ng waiver.

Sa bahagi aniya ng kanyang pahayag sa media sa isang event sa Davao ay walang ganitong paghahamon at habang sinasabi niya ito ay nagkataon lamang na mayroon siyang hawak na ballpen.

Samantala, mainit ang ginawang pagsalubong kay SAP Go ng mga empleyado ng DAR at ilang mga agrarian reform beneficiaries sa isang programa ngayong umaga sa tanggapan ng ahensya sa Elliptical Road, Quezon City.

Matapos dumalo sa DAR event, sunod naman na nagpunta si Go sa inagurasyon ng isang proyekto sa Munisipalidad ng Gen. Mamerto Natividad sa Nueva Ecija.  | ulat ni Shane Juan