SAP Bong Go, may inihahandang malaking programa na pakikinabangan ng mga mahihirap na Pilipino

May mas malaking programa na pinaghahandaan ngayon si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go mula sa inspirasyon ng kanyang mga pagbisita sa mga komunidad bilang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
 
Ang pinatutungkulan ni SAP Go ay ang planong paglulunsad ng sariling shoe-donation program na mas malawak na pakikinabangan ng mga kapos-palad lalo na ang mga estudyante at iba pang kabataan na walang pambili ng kanilang sapatos.
 
Sa panayam ng media, tinawag ng long-time aide ng pangulo ang programa bilang ‘Sapatos ni Sap, Tsinelas ang Ka-swap’ na ang ideya ay nag-ugat aniya sa pagbisita niya noon sa mga nasunugang residente ng Barangay Old Balara sa Quezon City.
 
Nitong mga nakalipas na linggo, naging abala si SAP Go sa pagdalo sa 3-point shootout events na inoorganisa ng Ready Set Go Movement, kabilang na rin ang pagpunta nito sa mga biktima ng sunog kung saan namigay ng tulong ang Office of the President.
 
Pinakahuli na dito nang pangunahan ni Go kahapon ang pamamahagi ng food packs at relief goods sa mga nasunugan sa Barangay Catmon sa Malabon at bilang bahagi ng kanyang ‘tradisyon’ ay dalawang residente doon ang nabigyan ng bagong sapatos at relos.
 
Aminado ang opisyal na kakailanganin niya ang tulong at suporta ng publiko para sa mga donasyong sapatos na maaaring kolektahin sa mga ipapakalat na drop boxes sa mga mall o pribadong kumpanya sa buong bansa.
 
Sa ngayon, wala pang petsa kung kailan opisyal na ilulunsad ang shoe-donation program na ito ni SAP Bong Go. | via Shane Juan