SAP Bong Go, ipinaabot ang pasasalamat ng Pangulong Duterte sa tulong ng mga negosyante sa administrasyon

Sa pamamagitan ni Special Assistant to the President Secretary Christopher “Bong” Go, ipinahatid ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pasasalamat sa mga negosyante para sa patuloy nilang suporta sa mga programa at proyekto ng administrasyon.

Sa kanyang pagdalo sa “Pagtitipon ng mga Kababaihan” sa lalawigan ng Bulacan ngayong umaga, sinabi ni SAP Go na malaking tulong para sa pamahalaan at sa sambayanang Pilipino ang suporta ng mga negosyante para maisakatuparan ang mga proyekto ng administrasyon.

Kabilang na aniya dito ang 3-point agenda ng Pangulo na paglaban sa iligal na droga, kriminalidad at korapsyon.

Kaugnay nito, binigyang diin ni Go na magpapatuloy ang ginagawang paglilinis ng Pangulong Duterte sa mga opisyal ng gobyernong nasasangkot sa korapsyon kahit pa ang ilan sa mga ito ay malalapit sa Pangulo.

Samantala, dito rin ay muling binigyang diin ng kalihim ang kahalagahan ng mga kababaihan sa mga porgramang itinaguyod ng Duterte administration.

Ayon kay Go, malaki ang respeto at pagkilala ng Presidente sa mga kababaihan bilang tugon sa pambabatikos ng ilang grupo sa diumano’y masamang pagtingin ng Pangulo sa mga babae. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion