San Juan LGU sa vaccine recipients: Hintayin ang text para sa schedule ng 2nd dose

Pinaalalahanan ng San Juan City Local Government ang mga residente nitong nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccine, na hintayin muna ang confirmatory text para sa kanilang 2nd dose bago magtungo sa vaccination site.

Ayon sa lokal na pamahalaan, sa SMS na magmumula sa ‘SanJuanCity’ malalaman ng vaccine recipient, ang iskedyul o ang araw at oras ng kanyang susunod na pagbabakuna.

Hanggang ngayon, sinusunod pa rin kase ang schedule system sa mga vaccination center, kung saan ang mga may iskedyul lang ang pinapapasok.

Kaugnay nito, pinayuhan din ng local government ang mga residenteng maniwala lang sa mensaheng magmumula sa opisyal na numero ng pamahalaang lungsod.

Sa pinakahuling update ng pamahalaang lungsod, mayroon pa itong hawak na 5,000 na suplay ng COVID-19 vaccines, kung saan ang 2,000 ay nakalaan para sa unang dose, habang 3,000 naman ay nakareserba na para sa second dose vaccination.