San Juan LGU, mag-iisyu ng bagong quarantine pass

Inihahanda na ng Pamahalaang Lokal ng San Juan ang mga bagong quarantine pass, na ipapamahagi nito sa mga residente para sa ECQ period.

Ayon kay Mayor Francis Zamora, simula sa Huwebes, August 5, ay bahay-bahay na ipapamahagi ng barangay officials ang mga gagamiting quarantine pass, para sa essential activities ng mga residente.

Gaya ng nauna nang QPass, nakapaloob sa bagong quarantine pass ang pangalan ng head of household, kumpletong address nito, at ang unique control number.

Paglilinaw naman ng alkalde, isang Qpass lang kada pamilya ang ibibigay ng local government upang malimitahan ang bilang ng mga tao na lalabas.

Hindi naman na kailangan nito ang mga APOR o Authorized Persons Outside their Residence na company ID lang ang hihingin.

Samantala, inanunsiyo na rin ng San Juan Local Government na kasabay ng ECQ, ay muli ring ipatutupad nito ang liquor ban sa buong lungsod.