San Juan LGU sa establishments: Magbigay ng incentive at discounts sa bakunadong customer

Nag-isyu ng isang executive order si San Juan City Mayor Francis Zamora, na naghihikayat sa establishments sa lungsod na magbigay ng discounts at incentives sa kanilang mga bakunadong customer.

Sa ilalim ng EO FMZ-82, hinimok ng local government ang mga business establishment sa San Juan, na makibahagi sa Vaccination Incentive Program at magbigay ng special privilege, gaya ng diskwento sa mga vaccine recipient na bibili ng kanilang mga produkto.

Ito ay bilang suporta na rin sa vaccination program ng pamahalaan.

Para ma-avail ang serbisyo, iminungkahi ng lokal na pamahalaan ang pagpapakita ng orihinal na kopya ng vaccination card ng isang indibidwal.

Inabisuhan naman ang mga establisyimentong nais maging parte ng programa, na magparehistro sa Business Permit and License Office, upang makakuha ng ipapaskil sa vaccination incentive program participation certificate.

Samantala, sa isa pang EO, hinikayat na rin ng pamahalaang lungsod ang mga negosyong nag-ooperate sa San Juan, na magsumite na ng listanan ng kanilang mga empleyadong pababakunahan.