San Juan City LGU, nakapamahagi na ng P92-M ECQ ayuda

Malapit nang makumpleto ng San Juan City Local Government, ang distribusyon nito ng enhanced community quarantine (ECQ) financial assistance sa mga low income individual sa lungsod.

Ayon kay Mayor Francis Zamora, aabot na sa halos P92 milyon o nasa 93 percent na ng kabuuang alokasyon sa lokal na pamahalaan ang naipamahagi na nito.

Paliwanag ng alkalde, ang natitirang P6 milyon ay mga ‘unclaimed’ financial aid.

Oras naman aniya na bigo pa ring makuha ng mga orihinal na benepisyaryo ang kanilang ayuda, ililipat umano ng local government ang alokasyong ito sa iba pang mahihirap na residente.

Ngayong Lunes, kabilang sa mga nakatakdang mabigyan ng ayuda sa San Juan City, ay ang mga low income individual mula sa Brgy. Progreso, Brgy. Sta Lucia, Brgy. Greenhills, Brgy. Addition Hills, at Brgy Isabelita.