San Jose del Monte City, maagang tumugon sa panawagan ng DILG na maghanda na sa pagpasok ng typhoon season

Bago pa man naglabas ng kautusan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga LGU na maghanda na sa pagpasok ng typhoon season, nakataas na ang alerto sa pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte  Bulacan.

Ayon kay Mayor Arthur Robes , 24/7 nang nakaalerto ang command center ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) para tumugon sa pangangailangan ng publiko.

Bukod sa command center na nakabase sa Barangay Sapang Palay, mayroon na rin silang Mobile Emergency Operations Center na tanging ang San Jose Del Monte City lamang ang mayroon, sa buong Region 3.

Nilinaw ng alkalde, na handa namang tumugon ang mobile satellite operation center sa iba pang lugar sa rehiyon.

Sinabi ng alkalde, na madadagdagan pa at makukumpleto ang iba pang kagamitan ng CDRRMO sa susunod na taon.

Plano na rin daw na ikonekta ng pamahalaang lungsod ang CDRRMO sa 911 Hotline ng pamahalaan para sa mas malawak na operasyon.

Una nang inalerto ng DILG ang mga LGU, na maghanda na habang maaga sa anumang kalamidad na tatama sa bansa.

Ang mga local chief executive kasi ang tumatayong chairpersons sa kanilang local disaster risk reduction and management councils na kailangan ang kanilang sariling presensiya kapag may kalamidad.