San Fernando, Cebu Mayor, malakas ang paniniwala na politika ang motibo sa pamamaril sa kanila

Malaki ang paniniwala ni San Fernando, Cebu Mayor Lakambini Reluya na politika ang motibo sa pamamaril sa kanila kagabi na ikinasawi ng kanyang asawa.

Ito ang pahayag ng alkalde ng makausap ni Police Regional Office 7 Director, Chief Supt. Debold Sinas sa kanyang pagbisita kaninang umaga.

Sa isinagawang press conference ngayong umaga ng PRO-7, sinabi ni Sinas na matagal nang nakakatanggap ng death threats ang alkalde.

Ngunit ayaw pa nitong magkomento kung sangkot sa nangyari ang kalaban nito sa pagka-alkalde ng lungsod ngayong darating na halalan.

Ayon kay Mayor Reluya, naging kampante sila sa seguridad kagabi at hindi nila namalayan ang pagsunod ng isang sasakyan kung saan lulan ang mga armadong kalalakihan na nagpaulan ng bala sa kanilang sasakyan.

Napahinto ang sasakyan ni Reluya sa isang bahagi ng national highway sa Barangay Linao, Talisay City, Cebu dahil bumaba ang isa sa kanyang staff na nakatira malapit doon.

Doon na pinaulanan ng putok ang kanilang sasakyan.

Base sa inisyal na report ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), hindi bababa sa 73 basyo ng M-16 rifle ang nakuha mula sa pinangyarihan ng insidente.

Dahil dito, hihilingin ng PRO-7 sa Commission on Elections (COMELEC) na pahintulutan silang bigyan ng security escorts ang mayor at ang iba pa niyang kasamahan.  | ulat ni Carmel Matus/RP-Cebu