Same-Sex Marriage petition, tagumpay sa kabila ng pagbasura ng SC

Maikukunsidera na umanong isang tagumpay para kay Atty. Jesus Falcis ang Same-Sex Marriage petition sa kabila ng pagbasura nito ng Korte Suprema kahapon.

Ayon kay Atty. Falcis, umasa silang mga petitioner na mananalo ngunit inaasahan na rin nilang mababasura ang nasabing petition. Isa na umanong tagumpay para sa mga petitioner at sa LGBT community, na nagsagawa ang Korte Suprema ng oral arguments para sa nasabing petition noong nakaraang taon.

Isa lamang umanong minor setback ang nasabing pagbasura ng same-sex marriage petition. Ani Atty. Falcis, kailangan matalo muna ang nasabing petition bago makuha o mapagwagian ang marriage equality, na gaya ng nangyari sa Estados Unidos, Australia at Taiwan.

Nagpasalamat naman si Atty. Falcis sa Korte Suprema sa oportunidad na mamulat ang publiko ukol sa nasabing issue.

Matatandaang inihain ang petition sa Same-Sex Marriage ni Atty. Falcis noong 2015.