“Safe Trip Mo Sagot ko” Motorist Assistance Program, muling ipapatupad sa Undas

Pinaghahandaan na ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ang pagdagsa ng mga motorista patungo sa mga lalawigan sa araw ng Undas, Nobyembre 1.

Kaya muli na namang ipapatupad ng MPTC ang “Safe Trip Mo, Sagot Ko” Motorist Assistance Program sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) at Cavite Expressway (CAVITEX).

Ayon kay MPTC President at CEO Rodrigo Franco, mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 5, palalawigin na ng traffic management teams ng NLEX at SCTEX ang oras ng kanilang trabaho, para i-monitor ang inaasahang dagsa ng mga sasakyan sa Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue, Sta. Ines, Tarlac at Tipo toll plazas.

Magpapakalat na rin ng karagdagang patrol at incident response teams sa mga critical area para agad makaresponde sa mga motorista.

Sa panahon ng peak periods ng Oktubre 26-28, 31 at Nobyembre 1, magbubukas ng maximum na 28 toll collection points sa Balintawak Toll Plaza habang 10-20 at 6 na toll collection naman sa bahagi ng Mindanao Avenue, Tarlac at Tipo Toll Plazas.

Gagamit din ang MPTC ng “portabooths” at portable toll collection equipment upang mabawasan ang waiting time sa mga toll plazas.

Samantala sa Oktubre 28 at Nobyembre 1 hanggang 4, magkakaroon din ng maximum na 60 collection points ang Bocaue Toll Plaza para sa southbound motorists at handa namang mag-isyu ng pre-encoded transit tickets sa mga motorista ang mga toll tellers sa Tarlac Toll plaza.

Ganito rin ang gagawin sa Cavitex na magdedeploy ng karagdagang patrol teams na tutulong sa mga motorista.

Lahat ng konstruksyon sa mainline road sa NLEX-SCTEX at CAVITEX ay suspendido mula Oktubre 26 ng hapon hanggang Nobyembre 5 ng alas-nuwebe ng umaga. | ulat ni Rey Ferrer