SAF policewoman na arestado sa pot session, ipasisibak sa serbisyo

Ipasisibak sa serbisyo ni Philippine National Police Chief PDG Oscar Albayalde ang policewoman ng Special Action Force na nahuli sa pot session sa Taguig noong Sabado.

Ito ang sinabi ng PNP chief matapos na mag-positibo sa drug test ang policewoman na kinilalang si PO3 Lynn Tubig na iprinisinta sa Camp Crame kahapon.

Ngingisi-ngisi pa si PO3 Tubig na tila pabulong na kinontra ang mga sinasabi ng PNP chief nang iharap siya sa medi, na ayon kay Albayalde ay epekto ng kanyang umano’y pagka-high sa droga.

Aksidenteng natsambahan ng mga pulis si PO3 Tubig at ang kanyang nobyo na si John Vincent German at tatay nito na si Fernando German sa isang pot session sa Purok 6, Tuktukan, Taguig City nitong Sabado habang may tinutugis silang suspek.

Ayon sa PNP chief, sinayang lang ni Tubig na isang dating sundalo bago nag-SAF, ang kanyang career dahil sa droga.

Nilinaw naman ni Albayalde na hindi sumasabak sa mga operasyon si PO3 Tubig at nasa loob lang ng opisina ang kanyang trabaho sa SAF. | ulat ni Leo Sarne