Sabay-sabay na pagkasira ng mga planta, dahilan ng pagsasailalim ng Luzon grid sa red alert

Binigyang diin ni Energy Secretary Alfonso Cusi, na sapat ang suplay ng kuryente sa bansa.

Sa motu proprio investigation ng Committee on Energy, pinaliwanag ng kalihim, na ang sabay-sabay na pagkasira ng apat na malalaking planta ng kuryente ang nagbunsod para isailalim sa red alert ang Luzon grid kamakailan.

Sa pagbagsak aniya ng naturang mga planta, 2,000 megawatts agad ang nawala sa power supply ng bansa.

Dagdag pa ng kalihim, karamihan sa mga planta sa bansa ay may edad na kaya kailangan isailalim sa palagian maintenance, ngunit naapektuhan ito ng pandemiya.

Sinegundahan ito ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera, kung saan batay sa iprinisintang datos, 29.35 percent ng mga planta sa Luzon ay nasa 16 hanggang 20 taon na ang tanda, habang 24.02 percent sa mga ito ay 21 hanggang 25 taon na mula ng itayo.

Pinabulaanan din ni Cusi, na umabot ng 10 hanggang 11 oras ang naranasang brownouts sa Luzon na nagdulot naman ng panic sa publiko.

Aniya, mapapatunayan ng Meralco sa kanilang record na tumagal lang ng dalawa hanggang tatlong oras ang brownout.