Sa loob ng 24 oras, mahigit 400 residente sa Navotas hinuli dahil sa paglabag sa GCQ

Patuloy ang panghuhuli ng mga lumalabag sa iba’t ibang ordinansa sa Navotas na may kaugnayan sa ipinapatupad ng General Community Quarantine dahil sa COVID-19.

Sa tala ng Navotas City Police, nasa 461 ang hinuli sa lungsod sa loob ng 24 oras.

241 sa nasabing bilang ang hinuli dahil sa hindi pagsusuot o maling pagsusuot ng facemask, 12 naman ang hinuli dahil sa hindi pagsunod sa physical distancing, habang umabot naman sa 198 ang bilang ng lumabag sa curfew, kung saan 162 ay mga menor de edad.

Bagamat patuloy ang pagbaba ng bilang ng active cases sa Navotas, ay hinihimok nito ang mga residente na patuloy na makiisa at sundin ang mga health protocols upang maiwasan ang muling pagdami ng mahahawa sa virus.