Sa gitna ng usapin sa ‘ninja cops’, PRRD, ibinunyag na 2 heneral ang patuloy na sangkot, nakikinabang sa iligal na droga

Sa harap ng isang forum na dinaluhan nito sa Sochi, Russia, tahasang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may dalawang heneral ang patuloy na dawit at nakikinabang sa laro ng iligal na droga sa bansa.

Ayon sa Pangulo, bago siya umalis ng Pilipinas at maaaring hanggang sa kanyang pagbabalik ay patuloy na nakikipaglaro ang dalawang heneral sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot.

Ganunpaman, hindi na tinukoy pa ng Pangulo ang pagkakakilanlan ng dalawang heneral na hanggang ngayon aniya’y sabit sa illegal drugs operation sa harap ng kainitan ng usapin ngayon tungkol sa mga tinaguriang ‘ninja cops’.

Ang pagbubunyag ay ginawa ng Pangulo sa harap ng “think tanks” at policy malkers ng Russia habang naruruon din si Russian President Vladimir Putin at Jordanian king Abdullah Bin Al Hussein.

Muli ay sinabi ng Pangulo sa harap ng international community na kanyang papatayin ang sinumang dawit sa laro ng ipinagbabawal na gamot.