TESDA, umapela sa Arab States na irespeto ang karapatan at dignidad ng mga Filipino workers sa gitna ng umiiral na deployment ban sa Kuwait

Ang pahayag ay ginawa ni TESDA Director General Guiling Mamondiong kasunod ng mga ulat na maraming kababayan doon ang nakakaranas ng mga pang-aabuso katulad ng pananakit, panggagahasa, hindi pagbabayad ng sahod o kung minsan ay humahantong pa sa insidente ng pagpatay.

Matapos magpatupad ng ‘total deployment ban’ sa pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait, umaapela naman ngayon ang pamunuan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga bansa sa Middle East na respetuhin ang mga karapatan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ang pahayag ay ginawa ni TESDA Director General Guiling Mamondiong kasunod ng mga ulat na maraming kababayan doon ang nakakaranas ng mga pang-aabuso katulad ng pananakit, panggagahasa, hindi pagbabayad ng sahod o kung minsan ay humahantong pa sa insidente ng pagpatay.

Maiuugnay dito ang pinakahuling kaso ng pagpatay sa OFW na si Joanna Daniela Demafelis na ang bangkay ay nadiskubre sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait.

Nag-udyok ito kay Mamondiong at nanawagan sa Department of Labor and Employment gayundin sa Department of Foreign Affairs (DFA) na lalo pang higpitan ang mga polisiya sa pagpapadala ng Filipino workers sa mga Arab states.

Sa panig ng TESDA, tinitiyak ng ahensya na may nakalaan itong mga programa upang matulungan ang mga tinatawag na displaced OFWs.

Kabilang dito ang ‘reintegration program’ kung saan ang mga pinauwi, tinanggal sa trabaho o naging biktma ng pang-aabuso ay isasailalim sa iba’t ibang kasanayan para matulungan silang makahanap ng trabaho sa ibang industriya o di kaya ay makapagsimula ng kanilang sariling negosyo. | via Shane Juan