Rural Missionaries of the Philippines, cause-oriented groups na kinasuhan ni NSA Esperon, naghain na ng counter affidavit

Hiniling na ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP), at dalawa pang cause-oriented groups sa Quezon City Prosecutors Office na ibasura ang kaso na isinampa ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.

Sa isinumiteng counter-affidavits sa ginanap na preliminary investigation, iginiit ni Editha Burgos ng grupong Karapatan, na walang basehan ang kasong perjury, at gawa-gawa lang, na layong gantihan ang anila’y human rights defenders.

Noong Hulyo 2,2019, nagsampa ng reklamo ni Esperon laban sa grupong Karapatan, Rural Missionaries of the Philippines at Gabriela.

Ang reklamo ay may kaugnayan sa legitimacy o pagiging lehitimo ng kanilang mga aktibidad sa bansa.

Matagal na panahon na aniya na nililinlang ng mga grupo ang publiko, at pinaniwalang lehitimo ang kanilang mga ginagawa, lalo na ang pagtuligsa sa gobyerno.

Nauto din ang ilang foreign-funding institution, na nagbigay ng tulong at donasyon upang suportahan ang mga gawaing pampubliko, pero inilihis o dinivert ang paggamit ng pondo sa CPP-NPA-NDF para sa kanilang terrorist objectives.

Inakusahan din ni Esperon, na tumatayong vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang RMP sa paglalabas ng maling statements sa kanilang writs of amparo and habeas data petition laban sa ilang government officials.

Sinabi pa sa reklamo, na kinansela na ang certificate of registration ng RMP ng Security and Exchange Commission (SEC) noong August 20, 2003, taliwas sa kanilang sinasabi na sila ay lehitimo.

Pero depensa ng RMP, na nag-file sila ng renewal ng registration noong 2010, at nagsumite ng mga dokumento at pinaniniwalaang inaprubahan ng SEC.