ROTC, magandang paraan para ikintal ang kabayanihan sa isip at puso ng mga kabataan — Lorenzana

Naniniwala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang pagbuhay sa ROTC o Reserve Officers Training Corps ay magandang paraan para maikintal sa isip at puso ng mga kabataan ang kabayanihan.

Ito ang sinabi ng kalihim kasabay ng pahayag na sa paggunita ng Araw ng mga Bayani sa araw na ito ay mahalagang maalala ng lahat na ang pagmamahal sa bayan ang pundasyon ng ating bansa.

Aniya, hindi dapat makalimutan ng mga kabataan ang sakripisyo ng ating mga ninuno sa pakikipaglaban para sa kalayaan ng bansa.

Ang pinaka-mataas na parangal aniyang maibibigay sa ating mga bayani ay ang ipagpatuloy ang kanilang nasimulan.

Nanawagan ang kalihim sa lahat ng Pilipino, partikular ang mga kabataan, na tumugon sa hamon ng pagsisilbi sa bayan.

Sinabi ng kalihim na ang ROTC ay makapagtuturo sa kabataan ng “leadership, discipline, respect for authority at service to country.”