Roque, tinawag na mayabang si Joma Sison na aniya’y nagpapakasasa lang din sa ibang bansa

Tinawag na mayabang ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Joma Sison.

Hugot ni Roque sa pagtawag kay Joma bilang mahambog ay nang sabihin ng lider ng Komunistang grupo na hindi matatapos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang termino dahil ito’y mapapatalsik sa puwesto.

Tingin daw ni Sison sa kanyang sarili sabi ni Roque, isang tagapagligtas na siyang magsasalba sa bansa.

Pagtiyak ng tagapagsalita ng Palasyo, hindi mangyayari na mapatalsik nito ang kasalukuyang gobyerno sa poder gayung ito ay nasa Europa at nagpapakasasa o nagpapakasarap lang.

Ang mabuti aniyang gawin ni Joma, tumigil na sa kakadakdak, umuwi ng Pilipinas para maging bahagi sa pagbuo ng mga kaparaanan upang mabigyan ng kumportableng buhay ang mga Pilipino. | ulat ni Alvin Baltazar