Rollout ng Pfizer vaccine, sinimulan na sa Navotas

Umarangkada na sa lungsod ng Navotas ang pag-roll-out o paggamit ng Pfizer-BioNTech COVID-19 Vaccine sa mga rehistradong residente at manggagawa sa lungsod na kabilang sa A2 at A3 priority group.

Tinatayang nasa 1,170 na vials ng Pfizer na naglalaman ng anim na dose ang natanggap ng lungsod.

Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, binibigyan ng national vaccination committee ang mga city government na mayroong storage facility upang masiguro na hindi masisira at masasayang ang mga bakuna.

Kasalukuyang nakalagay ang mga Pfizer vaccines sa biniling bio-refrigerator at ultra-low temperature freezers ng lungsod na nasa Navotas Polytechnic College at inilalabas gamit ang single insulation transport cooler.

Sa pinakahuling tala ng lungsod, umabot na sa 16,742 ang bilang ng mga residente at manggagawa ang nabakunahan sa Navotas.