Roll-over scheme para sa internet data, aprubado na sa ikatlong pagbasa sa Kamara

Pinagtibay ng Kamara sa final reading ang panukalang batas na layong itaguyod ang isang roll-over data allocation scheme.

Sa ilalim ng House Bill 9057 o Roll Over Internet Act, binibigyang mandato ang mga internet service provider, na magpatupad ng roll-over scheme sa sobra o hindi magagamit na internet data ng kanilang subscribers.

Kung ang indibidwal ay isang post-paid user, maaaring palawigin ang hindi nagamit na data hanggang sa susunod na buwan.

Sakaling hindi pa rin ito magamit, maaari itong maipon hanggang sa huling buwan ng taon.

Kung hindi pa rin ma konsumo, maaari itong gamitin bilang rebate at ipambayad sa subscription para sa susunod na taon.

Para naman sa mga pre-paid user, kailangan tiyakin na mag-register ito muli sa internet subscription, dahil kung hindi ay mababawasan ng 20 percent ang hindi nagamit na internet data.

Kung sa loob ng limang araw matapos ang expiry ng subscription at hindi ito nakarehistro muli, ay ikokonsidera na bilang consumed ang internet data.

Oras na maisabatas ang ISP, ang lalabag ay papatawan ng P50,000 na multa kada violation kada subscriber, at posibleng maharap sa revocation o cancellation ng license o franchise kung paulit-ulit ang violation.