Rizal solon, muling hinimok ang mga constituent na magpabakuna na

Sa gitna ng patuloy na pagtaas sa bilang ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Rizal, ay patuloy na hinihimok ni Rizal Rep. Fidel Nograles ang kanyang mga kababayan na magpabakuna at sumunod sa health safety protocols.

Ayon sa mambabatas, kailangan pakinggan at magtiwala sa siyensya upang labanan ang COVID-19.

Tinukoy ng mambabatas ang patuloy na paglipana ng fake news na hindi mabisa ang mga bakuna ay nagdudulot ng takot sa publiko at nakadaragdag sa vaccine hesitancy.

Delikado aniya ito lalo at kapwa nakapagtala na ng Delta at Lambda variant sa bansa.

Paalala ni Nograles, batay sa Food and Drug Administration, sa 9.1 million na fully vaccinate na indibidwal, nasa 116 lamang o 0.001% ang tinamaan pa rin ng COVID-19, at sa naturang bilang 11% lamang ang na-ospital.

Kasabay nito ay nanawagan ang kinatawan para sa mas mabilis at episyenteng pamamahagi ng ayuda para sa mga apektado ng ECQ.

Aniya kung maagang maipamimigay ang ayuda ay tiyak na hindi magpupumilit ang publiko na lumabas ng kanilang mga bahay at maiiwas sila sa banta ng pagkakahawa.