Rice Import Liberalization Bill, tinututulan ng isang private farm group

Kinontra ng isang private farm group ang Rice Import Liberalization Bill na isinusulong ni Senador Cynthia Villar sa Senado.

Mas makakabuti anila na buhusan na lang ng subsidiya ng Duterte administration ang “Filipino Farmers First” policy sa halip na suportahan ang mga dayuhang magsasaka.

Sinabi ni Philippine Chamber of Agriculture & Food Inc. President Danilo Fausto, dapat mag-zero in ang administrasyong Duterte sa isang polisiya na pinagtibay ng Estados Unidos at Tsina na pagbubuhos ng malaking tulong para sa farm sector.

Noong Disyembre 20, 2018 kasi nagpasa ng isa pang Farm Bill ang Estados Unidos na nagbibigay ng subsidiya sa producers at consumers sa halagang US$867 billion sa loob ng limang taon.

Ito aniya ay federal subsidies at hindi kasama ang mga ipinagkaloob sa antas ng estado.

Ang pagpayag na mag-angkat para bahain ng bigas ang pamilihan sa bansa ay hindi maituturing na isang magic wand na basta na lang maibaba ang presyo sa interes ng consumers.

Magkakaroon ito ng masamang epekto at aabandonahin na ang mga magsasakang Pilipino at tuluyang babagsak ang investment sa rice farming.

Ang panukalang Senate Bill 1998 ay magiging banta rin sa food security sa bansa, ang Rice Import Liberalization ay ipinalit sa quantitive restriction sa bigas na may mga taripa.  | ulat ni Rey Ferrer