Rice distribution sa retailers sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Usman, bibigyang prayoridad ng NFA

Ipinag-utos na ni National Food Authority (NFA) Officer-in-Charge Administrator Tomas Escarez, sa field offices ng NFA na gawing prayoridad ang rice distribution sa retailers sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Usman.

Layon nito na matiyak na magkaroon ng sapat na suplay ng NFA rice ang mga accredited rice retailer na magpapatuloy sa pagbenta ng murang bigas sa halagang P27 at P32/kada kilo sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Mahigpit ding pinababantayan ng NFA ang presyuhan ng bigas upang masiguro na walang negosyante ang magsasamantalang magtaas ng presyo sa mga pamilihan.

Base sa datos ng NFA, umabot na sa 13,730 bags ng bigas ang naipamahagi na nito para sa relief operations sa siyam na lalawigan ng regions 4, 5 at 8 na tinamaan ni Usman.

Karagdagan pa dito ang 5,175 bags, na kinuha sa NFA warehouses sa Camarines Sur ng iba’t ibang relief agencies tulad ng Office of Civil Defense (OCD), Philippine Red Cross (PRC) at iba pa. | ulat ni Rey Ferrer