Ricardo ‘Ardot’ Parojinog haharap muna sa kaso sa Taiwan bago ma-deport pabalik ng Pilipinas — PNP

Hindi agad-agad maiuuwi sa Pilipinas si Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog na inaresto ng Taiwanese Police noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Philippine National Police Spokesperson CSupt. John Bulalacao, kailangan munang harapin ni Ardot ang mga kaso sa Taiwan kaugnay ng kanyang umano’y iligal na pagpasok doon bago siya pabalikin sa Pilipinas.

Ang nakababatang kapatid ng napatay na dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. ay inaresto ng Taiwanese authorities dahil sa “red notice” na inilabas ng International Police o Interpol.

Ang “red notice” ay abiso na ipinalalabas ng Interpol sa iba’t ibang mga bansa kung saan inalerto ang local authorities na si Ardot ay may oustanding warrants sa Pilipinas.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Taiwanese authorities si Ardot at nakikipag-ugnayan na ang DFA sa Taiwanese government para sa pag-deport nito pabalik sa Pilipinas.

Hindi naman masabi ni Bulalacao kung kailan maidi-deport mula sa Taiwan si Ardot pero anumang oras aniya ay nakahanda ang team ng PNP na susundo sa kanya. | via Leo Sarne