Review ng Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at US, kailangan — Lorenzana 

Kailangan ang review ng Mutual Defense Treaty para malinaw kung ano ang papel at mga obligasyon ng Pilipinas at Estados Unidos kung dumating ang takdang panahon.

Ito ang inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana sa kanyang mensahe sa National Defense College of the Philippines forum na pinamagatang “The National Security Outlook for the Philippines in 2019” noong Lunes.

Sa isang interview pagkatapos ng kanyang pahayag, ipinaliwanag ni Lorenzana na maiksi lang kasi ang dokumento ng tratado at maraming “ambiguities” o mga bagay na hindi malinaw.

Tinukoy na halimbawa ng kalihim ang nakasaad sa tratado na “Metropolitan Philippines” na ipagtatanggol ng Estados Unidos kung ito’y inatake.

Kailangan aniyang malinaw ang depenisyon ng “Metropolitan Philippines”, kung kasama dito ang Scarborough Shoal, Mischief Reef o Pag-asa Island sa West Philippine Sea, dahil sinasabi aniya ng Estados Unidos na hindi sila makikialam sa mga territorial disputes.

Sa kabilang dako naman aniya, posibleng ma-involve ang Pilipinas sa “superpower rivalry” ng Estados Unidos at China kung hindi malinaw ang mga termino ng tratado.

Ayon sa kalihim, posibleng simulan ngayong taon ang exploratory talks sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos patungkol sa pag-rerebisa ng tratado.  | ulat ni Leo Sarne