Retirement application online para sa OFWs at voluntary members, nagpapatuloy pa rin ayon sa SSS

Tuluy-tuloy pa rin ang pagtanggap ng Social Security System (SSS) ng online retirement application mula sa Overseas Filipino Workers (OFWs) at voluntary members na pinasimulan noong Mayo 10.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc, ito ay para sa mga applicants na may edad na animnapung taong gulang pataas. Maaari silang maka-access sa SSS website na www.sss.gov.ph.

Hinikayat pa ng SSS ang iba pang OFWs at voluntary members na samantalahin ang pagkakataon na maghain ng retirement application basta’t sila ay nakapaghulog na ng isandaa’t dalawampung (120) buwanang kontribusyon.

Kailangan lang aniya na hindi pa sila nagpasa ng benefit claim sa SSS branch at walang kinanselang SSS number at walang balanse sa Stock Investment Loan Program, Privatization Loan Program, Educational Loan at Vocational Technology Loan.

Maaari ding magpasa ng kanilang retirement application ang members na may balanse pa sa salary, calamity or Salary Loan Early Renewal Program.

Pero ang members na mag-aapply ng Loan Restructuring Program o condonation ay hindi maaaring magsumite ng kanilang retirement application online. | ulat ni Rey Ferrer