Retired Maj. Gen. Jovito Palparan, ikukulong na bukas sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa

Bukas na dadalhin sa New Bilibid Prison si retired Major General Jovito Palparan.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na ito’y batay na rin sa kumpirmasyon sa kanya ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Carlito Galvez sa pamamagitan ng isang text message.

Matatandaang matapos ang sintensiya kay Palparan ng Malolos Regional Trial Court nuong Setyembre 17, ito’y idineretso sa Philippine Army Custodial Center sa Fort Bonifacio sa Taguig.

Inalmahan naman ito ng ilang human rights groups sa anila’y “extended staycation” ng retiradong heneral na hinatulan ng reclusion perpetua para sa kasong kidnapping serious illegal detention.

Ito’y kaugnay ng pagkawala ng UP students na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno taong 2006.

Guilty rin ang naging hatol sa iba pang kasamahan ni Palparan na sina Lt. Col. Felipe Anotado, Jr. at Staff Sgt. Edgardo Osorio.  | ulat ni Alvin Baltazar