Retail Trade Liberalization bill, aprubado na ng Senado

Sa botong 20-0-0, inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Retail Trade Liberalization bill (Senate bill 1840).

Sa ilalim ng naturang panukala, mas magiging bukas ang retail sector ng bansa sa mga dayuhang mamumuhunan sa pamamagitan ng pag-aamyenda sa Retail Trade Liberalization Act of 2000.

Dito ay ibinababa sa 50 million pesos o 1 million US dollars ang minamandatong paid-up capital ng mga foreign retailer na nais mamuhunan sa anumang retail trade business dito sa Pilipinas sa halip na sa kasalukuyang 2.5 million US dollars.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, binubuksan nito ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhan ng sapat na lebel lang upang mapanatili sa medium level ang kompetisyon.

Isa ang panukalang ito sa 11 priority bills na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at sertipikado itong urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang ito sa mga panukalang batas na layong gawing mas kaaya-aya ang Pilipinas sa mga mamumuhunan na inaasahan namang magdudulot ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino at makakapagpalago ng ekonomiya ng bansa.