Resulta ng pinakahuling senatorial survey ng Pulse Asia, hindi ipinagkikibit-balikat ng Palasyo

Hindi binabalewala ng Palasyo ang mga lumalabas na survey na may kaugnayan sa nakatakdang mid-term elections sa susunod na taon.

Ito ang reaksiyon ng Malacañang kasunod ng huling Pulse Asia survey na kung saan, dalawa lang sa nakapasok sa magic 12 ang hindi re-electionist o hindi pa kailanman naging miyembro ng Senado.

Ito ay sa katauhan nina Davao City Mayor Sara Duterte–Carpio at Ilocos Norte Governor Imee Marcos.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kailangang tanggapin ang ganitong mga survey bilang mahalagang sukatan upang madetermina kung sino-sino ang mga isasabak na kandidato sa halalan.

Sinabi ni Roque, na mahalaga ang survey sa alinmang partido sapagkat sa ganitong paraan ay malalaman nila kung sino ang may tulog na kandidato at sa kabilang banda’y may labang tatakbo na may tsansang manalo.

Batay sa inilabas na survey ng Pulse Asia, limang babae ang nanguna habang ang pitong iba pang pumasok sa magic 12 ay mga incumbent senators na muling tatakbo at mga dati na ding miyembro ng upper chamber. | ulat ni Alvin Baltazar