Resulta ng pag-analisa sa black box ng bumagsak na C-130, aabutin ng isang buwan

Aabutin ng hanggang isang buwan bago makuha ang resulta ng pag-anilisa sa black box ng bumagsak na C-130 aircraft sa Patikul, Sulu.

Ayon kay Philippine Air Force Spokesperson Lt. Col. Maynard Mariano, ang black box na naglalaman ng flight data recorder at cockpit voice recorder ay naipadala na sa Estados Unidos para ipaanalisa.

Inaasahang makakatulong sa imbestigasyon ang impormasyon na makukuha mula sa black box.

Sa ngayon ay tinitignan ng mga imbestigador ang lahat ng anggulo sa insidente.

Narekober din ang 100 porsyento ng mga bahagi ng bumagsak na aircraft at ilan sa mga ito ay dinala na sa Mactan Air Base para sa gagawing “repair and reconstruction” sa imbestigasyon.

Pero sinabi ni Mariano na masyado pang maaga para sabihin ang pinal na sanhi ng pagbagsak ng C-130 aircraft kaya nararapat lamang na hintayin ang impormasyon na makukuha mula sa black box.