Resulta ng ikalawang yugto ng BOL plebiscite, igagalang ng Palasyo

Tatanggapin ng Malacañang ang ano mang resulta ng ikalawa at huling yugto ng plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) ngayong Miyerkules sa North Cotabato at Lanao del Norte.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, malinaw ang posisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na igagalang at tatanggapin nito ang desisyon ng mayorya ng mga botante.

Hahayaan aniya ng Pangulo na magpasya ang mga taga-Lanao del Norte at North Cotabato kung ano ang pinaniniwalaan nilang makabubuti para sa kanila.

Samantala, sinabi naman ni Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Carlito Galvez, na ilang araw bago ang nakatakdang plebisito ngayong araw ay pinulong nila ang lahat ng mga barangay captains at mga alkalde sa Lanao del Norte, para pakiusapan na gabayan at magbantay sa kanilang nasasakupan para matiyak ang kaayusan ng plebisito.   | ulat ni Racquel Bayan