Restoration works sa transmission line facilities na sinira ng bagyong Quinta, aabutin hanggang katapusan ng buwan

Target ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na tapusin ang pagkumpuni sa lahat ng mga nasirang transmission line facilities hanggang katapusan ng Oktubre.

Sa abiso ng NGCP, partikular na tinukoy nito ang mga natitirang areas sa Batangas at Camarines Sur na wala pang supply ng kuryente hanggang ngayon.

Kabilang dito ang Batangas Electric Cooperative (BATELEC) 1 at 2 sa lalawigan ng Batangas na tinatayang matatapos ang restoration works sa October 28.

Habang ang mga transmission lines na nagseserbisyo sa CASURECO 1, 2, 3, at 4 sa Camarines Sur ay matatapos hanggang October 31.

Gayunman, tuloy-tuloy pa rin ang pagkukumpuni ng NGCP sa mga bumigay na transmission lines sa lahat ng lugar na dinaanan ng bagyo.

Mula kahapon ng hapon hanggang kagabi marami pang lugar ang naibalik na ang transmission services kabilang ang mga lalawigan ng Pampanga, Laguna, Quezon,
Albay, at Sorsogon.