Resto Bar na lumabag umano sa health protocols, ipinasara sa Parañaque City

Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang isang restobar sa Barangay BF Homes matapos lumabag sa health at safety protocols sa gitna ng pandemya.

Sa pakikipagtulungan ng Parañaque City Police sa Business Permit and Licensing Office ay ni-raid ang TAV Resto Bar sa Aguirre Avenue nitong Martes ng gabi kung saan nahuli ang labinlimang indibidwal na nag-iinuman.

Ayon kay Mayor Edwin Olivarez, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa labas ng tahanan sa ilalim ng general community quarantine.

Ipinaalala ni Olivarez na mayroong dalawang ordinansang umiiral sa lungsod na nagbabawal sa paghahain ng nakalalasing na inumin sa mga establisimiyento.

Ang business establishments na may valid liquor permit ay maaaring magbenta ngunit hindi papayagang mag-serve ng alak mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Batay sa ulat, nakatanggap ang pulisya ng tip mula sa mga residente na lumalabag sa health protocols ang naturang resto bar na ngayo’y isasara at papatawan pa ng karagdagang parusa.

Idinagdag pa ni BPLO Chief Lawyer Melanie Malaya na nag-abiso na sila sa bar owners at iba pang kahalintulad na negosyo na bawal pang mag-operate sang-ayon sa guidelines ng Inter-Agency Task Force at bago magbukas ay dapat magsumite muna ang mga ito ng notice of reopening.