Respeto sa awtoridad, ipinanawagan ng JTF Covid Shield

Nanawagan sa publiko ang Joint Task Force (JTF) Covid Shield na respetuhin ang mga awtoridad, sa gitna ng mas mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine o ECQ.

Ito ay makaraang bastusin ng isang banyaga sa DasmariƱas Village sa Makati City ang isang police officer, matapos na masita dahil sa paglabag sa ECQ.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations at JTF Covid Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, naiintindihan nilang hindi madali ang ipinapatupad nilang security situation ngayon.

Pero ito aniya ay ginagawa ng gobyerno, para matiyak na maging ligtas ang lahat laban sa COVID-19.

Bukod sa respeto, panawagan din ng JTF Covid Shield sa publiko, na sumunod sa ECQ rules para hindi nasisita at maiwasan ang komprontasyon sa mga pulis o sundalo.

Tiniyak naman ni Eleazar, na ang mgapulis at sundalo ay accountable sa kanilang mga kilos bilang mga public servant.