Resolusyon na humihikayat sa Korte Suprema na repasuhin ang desisyon na pagpapatalsik kay CJ Sereno, naihain na ng 14 na Senador

Naihain na ngayon ng labing apat na Senador ang isang resolusyon na humihikayat sa Korte Suprema para repasuhin ang desisyon nito na patalsikin si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition.

Ang Senate Resolution No. 738 ay pinirmahan ng walong senador mula sa mayorya, kabilang si Senate President Koko Pimentel, Senate President Pro Tempore Ralph Recto at sina Senador Joel Villanueva, Loren Legarda, Win Gatchalian, Chiz Escudero, Sonny Angara, at Grace Poe.

Ang anim na iba pang senador na pumirma ay ang mga taga-minorya na kinabibilangan nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, at sina Senador Kiko Pangilinan, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Antonio Trillanes at ang nakadetineng si Leila de Lima.

Sa resolusyon, iginiit ng labing apat na mga senador na lumagda dito na nasa Konstitusyon na ang Kamara at Senado ay may kapangyarihan na magpasimuno, lumitis at magdesisyon sa lahat ng kasong impeachment.

Umano’y ang desisyon ng Korte Suprema na pagbigyan ang quo warranto petition ay nagtatakda ng isang mapanganib na pamarisan at lumabag sa eksklusibong kapangyarihan ng lehislatura na magpasimula, lumitis at magdesisyon sa lahat ng kasong impeachment.

Ang Korte Suprema, sa botong walo kontra anim ay pinagbigyan ang quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida laban kay Sereno. | via Jojo Ismael