Residency requirement para sa ayuda sa ilalim ng Bayanihan 3, pinarerepaso

Pinarerepaso ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang isang probisyon sa House Bill 9411 o Bayanihan 3 patungkol sa pagtanggap ng ayuda.

Partikular na tinukoy ni Rodriguez ang Section 5 ng panukala kung saan nakasaad na para maging kwalipikao sa ayuda, kailangan na ang indibidwal ay naninirahan na sa Pilipinas anim na buwan bago ang promulgation o pagsasabatas ng panukala.

Diin ng Cagayan de Oro representative, kung ilalagay ang naturang residency requirement ay agad madi-disqualify ang mga Overseas Filipino Workers na na-stranded sa ibang bansa.

Bukod dito, pinasasama din ni Rodriguez ang petsa kung kailan ipapatupad ang phase 2 at phase 3 ng Bayanihan 3.

Kung wala aniyang malinaw at tukoy na petsa para dito ay hindi magkakaroon ng urgency ang pamahalaan na pondohan ang panukala.

Paglilinaw naman ni Economic Affairs Committee Chair Sharon Garin, kaya hindi na isinama ang petsa ng pagpapatupad sa phases 2 at 3, ay dahil sa maipapatupad lamang ang naturang phases oras na mayroon nang available na pondo.

Mungkahi ni Rodriguez, gawing tig-ta-tatlong buwan ang pagitan sa pagpapatupad ng tatlong phase ng Bayanihan 3.