Rep. Salceda sa private at humanitarian organization na bibili ng COVID-19 vaccine: “the law has to be followed”

Nagpaalala si House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na dapat sundin ang umiiral na batas patungkol sa COVID-19 vaccine distribution.

Kasunod ito ng naunang pahayag ng Philippine Red Cross na magbabakuna sila ng Moderna vaccine sa halagang ₱3,500 para sa dalawang doses.

Paalala ng mambabatas na salig sa Republic Act No. 10918 o Philippine Pharmacy Law walang pharmaceutical product ang maaaring i-compound, ipamahagi, at ibenta sa publiko maliban na lamang kung dadaan ito sa isang retail drug outlet na lisensyado ng Food and Drugs Administration.

Pero nilinaw ng PRC na hindi nila binibenta ang bakuna bagkus, ang naturang halaga ay para mabawi ang gastos sa pag-bili gayundin para sa mga syringes, gloves, PPEs at allowances ng doctor at nurse na kanilang makakatuwang

Dahil dito, muling ipinanawagan ni Salceda sa Department of Health na ilabas ang listahan ng COVID-19 relate supplies na may kalakip na standard prices upang hindi samantalahin ng ilan ang pagpapataw ng administrative cost.

Sa ngayon lahat ng COVID-19 vaccine ay mayroon lamang Emergency Use Authorization kaya’t hindi ito maaaring ibenta.

Sa ilalim naman ng RA 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 Section 5, pinahihintulutan ang international humanitarian organizations tulad ng PRC na bumili ng bakuna basta’t susundin ang nasa priority list at sa kada isang bakuna na binili ay isang bakuna ang ido-donate sa vulnerable at indigent individual.

Umaasa naman si Salceda na maaprubahan ng FDA ang Moderna para sa commercial distribution upang mas marami ang mabakunahan at magkaroon ng mas maraming pagpipilian ang publiko.