Rep. Quimbo, pinasisilip sa Kamara ang non-payment sa benepisyo at allowances ng healthcare workers

Inihain ni Marikina Representative Stella Quimbo ang House Resolution 2121, na layong imbestigahan ang umano ay hindi pagbabayad ng benepisyo at allowance ng frontline healthcare workers, na nakapaloob sa Bayanihan 2.

Sa ilalim ng resolusyon, inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability, na silipin ang utilization sa P13.5 billion na inilaan para sa healthcare workers.

Kasunod ng diyalogo ng private healthcare workers (HCWs) union sa National Capital Region, concerned agencies, at mga mambabatas, hinggil sa isyu nitong Huwebes.

Ayon kay Quimbo, malinaw na nakasaad sa Bayanihan 2, na bibigyan ng COVID-19 special risk allowance, life insurance, accommodation, free meals, at transportation ang public at private health workers.

May nakalaan din aniyang pondo, upang sagutin ang kanialng medical expenses sakaling tamaan ng COVID-19  o iba pang work related disease o injury.

Pagpapaliwanagin din aniya ang Department of Health (DOH), kung bakit hindi agad naibigay ang naturang mga kabayaran gayong pinalawig pa nga ang effectivity ng Bayanihan 2, hanggang nitong June 30.

Dagdag pa ng kinatawan, dapat ay matukoy ng DOH kung bakit nagkaroon ng delay sa pagpapaabot ng kompensasyon at gawan ito ng solusyon.

Kasama rin sa resolusyon ni Quimbo, na agad bayaran ang lahat ng eligible frontline workers na hindi pa natatanggap ang benefits at allowances.