Rep. Quimbo, pinalilinaw kung magkano ba talaga ang available na pondo ng pamahalaan

Pinalilinaw ni Marikina Representative Stella Quimbo sa economic managers, kung magkano ang available na pondo ngayon at sa susunod na 12 buwan na maaaring gamitin sa P401 billion Bayanihan 3.

Ayon kay Quimbo, batid nito na kailangan balansehin ang pagtugon sa sitwasyon kung saan marami na ang nagugutom, dahil sa kalbaryong dulot ng COVID-19 pandemic, habang kailangan namang bantayan ang deficit ng bansa para hindi tuluyang bumulusok ang ekonomiya.

Ipinunto pa ng kinatawan na base sa pag-aaral, pumalo sa 30 percent ang bilang ng mga nagugutom na Pilipino hanggang sa third quarter ng nakalipas na taon.

Dahil dito, nanawagan si Quimbo sa mga kapwa opisyal na pagtulungang maipasa ang Bayanihan 3 para matulungan ang mga pinakadehado dahil sa pandemiya.