Rental holiday o discount sa stall rental, ipinanawagan

Dalawang lady solon ang nanawagan sa mga mall owner at iba pang commercial establishments na magpatupad muna ang mga ito ng rent holiday o rent discount para sa mga Micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Ayon kina San Jose Del Monte City Representative Rida Robes at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera, pinakamalaking tinamaan ng community quarantine at pagsasara ng mga mall ay mga maliliit na retailers.

Anila, maaaring magpatupad ang mga mall owner at mga landlord na magbigay muna ng diskwento o moratorium sa renta, para maibsan ang epekto sa kabuhayan ng mga maliliit na negosyo sa bansa.

Inihalimbawa ni Herrera, ang ginawang pagbabawas ng mall rents ng kanilang mga tenant sa Hong Kong at Singapore ng 30 hanggang 50 percent.

Nanawagan rin ang mga mambabatas sa Department of Trade and Industry (DTI), na maglatag ng financial relief para sa mga maliliit na negosyo.