Religious groups, child psychologists, dapat isaalang-alang sa isyu ng edad ng criminal liability ng bata – ex-MMDA Chair Tolentino

Pabor si dating  Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa pagpapababa ng edad ng mga kabataan para magkaroon ng criminal liability.

Pero nilinaw nito na hindi dapat siyam na taong gulang ang tamang edad para patawan ng kaparusahan, kundi dapat mas mababa sa 15 taong gulang.

Sa media forum sa Quezon City, sinabi ni Tolentino na mas akma ang edad na ito para malaman ng bata kung ang aksyon niya ay tama o mali.

Aniya, dapat aralin muna ng mga mambabatas ang tamang edad na alinsunod sa kultura ng Pilipino at pagsaalang-alang sa relihiyon.

Dapat, habang pinag-uusapan ito ay isinasama sana sa mga pagdinig ng Kongreso ang kinatawan ng Imam, religious sector, local government units (LGUs), child psychologists at iba pa para sa konsultasyon.

Tutol din si Tolentino sa pagsama sa mga nagkakasalang kabataan sa mga hardened criminals sa mga ordinaryong bilangguan.  Sa halip ay dapat magkaroon sila ng hiwalay na kulungan o institution para sa tuluyan nilang rehabilitasyon.  | ulat ni Rey Ferrer