Rekomendasyong martial law extension sa Mindanao, posibleng ikunsidera ng Pangulong Duterte

Hindi malayong sundin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na magkaroon ng martial law extension sa rehiyon ng Mindanao.

Magtatapos ang batas militar sa katapusan ng taong ito.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na malaking konsiderasyon din para sa posibilidad na pagpapalawig ang suporta ni Bishop Martin Jumoad at ng mga mismong taga-Mindanao sa umiiral na martial law sa rehiyon.

Subalit sa ngayon ayon kay Panelo ay patuloy pa ring tinitimbang at pinag-aaralan ng Pangulo ang rekomendasyon ng pulis at militar.

Pangunahin sa mga ikinukunsidera ng Pangulo ay kung umiiral pa rin ang banta na maglalagay sa peligro ng mga taga-Mindanao.

Iniutos ng Presidente ang pagpapatupad ng batas militar noong May 2017 kasunod ng Marawi siege na ikinasa ng Maute-ISIS terrorist group.  | ulat ni Alvin Baltazar