Rekomendasyon sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao, nilagdaan na ng PNP at AFP

Nilagdaan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Carlito Galvez ang pormal na rekomendasyon para sa pagapapalawig ng martial law sa Mindanao ng isang taon.

Ito ang kinumpirma ng PNP chief kasabay ng pagsabi na nagkaroon ng “drastic improvement” sa peace and order situation sa Mindanao dahil sa umiiral na martial law.

Ipinagmamalaki ni Albayalde ang pagbaba ng crime volume sa Mindanao na nasa 28,853 o 32.8 percent.

Ito ay dahil sa presensiya ng mga pulis at sundalo na mahigpit na ipinapatupad ang target hardening measures gaya ng military at police operations at checkpoint operations.

Naitala din ng PNP na bumaba ng 44.2 percent ng index crime gaya ng murder, physical injuries at homicide cases sa buong Mindanao.

Dagdag pa ni Albayalde, nasa 10,000 loose firearms naman ang narecover ng pamahalaan sa Mindanao dahil sa martial law.

Sa kasalukuyan, dalawang batalyon ng Special Action Force (SAF) troopers ang tumutulong sa AFP sa pagpapatupad ng pinaigting na seguridad sa ilalim ng Martial Law sa Mindanao.  | ulat ni Leo Sarne