Reklamo ng ‘whistleblower’ na kinasuhan sa “vaccine slot for sale,” tututukan ni Gen. Eleazar

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti-Cyber Crime Group (ACG) na rebisahin ang mga kaso na isinampa nila laban sa isa sa mga suspek sa “vaccine slot for sale” modus sa Mandaluyong Prosecutor’s Office.

Ito’y matapos na mabasa ang mga pahayag sa social media at mapanood ang panayam sa telebisyon ng pangatlong suspek na kinasuhan na si Nina Ellaine Dizon-Cabrera.

Una nang umalma si Cabrera sa kanyang pagkakadawit sa kaso gayung siya pa umano ang “whistleblower” na naglantad ng iligal na pagbebenta ng vaccination slots sa ilang LGU sa kanyang Twitter account noong May 21.

Sinabi ni Eleazar na pinatignan na niya sa CIDG at ACG kung nagkaroon ng lapses sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.

Sa isang statement, tiniyak ni Eleazar kay Cabrera na personal niyang tututukan ang progreso ng kanyang direktiba sa CIDG at ACG, at isasaayos ang anumang pagkakamali sa ngalan ng katotohanan at hustisya.