Rehabilitasyon ng San Roque Dam sa Pangasinan, natapos na ayon sa NPC

DAGUPAN CITY–Wala ng dapat ipangamba ang publiko lalo na ang mga nakatira malapit sa San Roque Dam sa bayan ng San Manuel sa lalawigan ng Pangasinan matapos magkaroon ng kaunting bitak ang dam noong nakaraang taon.

Paliwanag ni National Power Corporation (NAPOCOR) Spokesperson Bernadette Rivero, natapos na ang isinagawang major rehabilitation project sa spillway ng nasabing dam noon pang nakaraang taon.

Nagkaroon aniya ng bitak ang dam kasunod sa nangyaring erosion noong nakaraang taon na nagdulot ng pangamba at takot sa mga residenteng nakatira malapit sa San Roque Dam.

Giit ni Rivero, tinutukan nilang mabuti ang nasabing problema kung saan naglaan ang NPC ng sapat na pondo na umaabot sa P275 Million para sa rehabilitasyon ng dam.

Dagdag pa nito na natapos ng tatlong buwang mas maaga ang isinagawang rehabilitasyon.