Regulasyon sa maritime travel sa gitna ng bagyo, pinarerepaso ni Speaker Velasco

Pinarerepaso ni Speaker Lord Allan Velasco ang polisiya sa suspensyon ng maritime travel o paglalayag sa mga lugar na isinailalim sa public storm warning signal number 1.

Partikular na tinukoy ni Velasco ang PCG Memorandum Circular No. 02-13 na nagbabawal sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat na pumalaot o maglayag sa loob ng tatlompu’t anim na oras matapos itaas ang Signal number 1 sa sakop na lugar.

Diin ng kinatawan, ang 36-hour lead time ay para sa inland storm operation o para sa paghahanda ng mga residente, sakahan at land trips.

Kung susundin aniya ito sa maritime travel ay magdudulot lamang ito ng port congestion at pag-aantala sa economic activities.

Dahil dito, pinakokonsidera ng mambabatas na iklian ang lead time at hatiin sa quadrant ang lokalidad na sakop ng typhoon warning signal.

Hindi naman aniya kasi agad mararamdaman ang epekto ng bagyo sa lugar at hindi ang buong rehiyon ang apektado kaya’t maaari pa ring pahintulutan ang paglalayag.

“I take my province as an example. We are used to a scenario where every time PAGASA declares Signal No. 1 in Quezon province, vehicles and Marinduqueños returning home are stuck in seaport. This doesn’t happen only in Marinduque. This also happens in many parts of the country. We need to find a way to be able to adjust how we determine storm warning signals and protocols in allowing vessels to travel by sea without sacrificing the safety of passengers and seafarers,” saad ni Velasco.