“Red October” ouster plot, 2016 pa niluluto ng CPP-NPA ayon kay DND Sec. Lorenzana

Taong 2016 pa niluluto ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) ang kanilang planong “Red October” para patalsikin sa pwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, sinimulang pagplanuhan ng CPP-NPA na ibagsak ang administrasyong Duterte noon pang October 2016 bago pa man kanselahin ng Pangulo ang usapang pangkapayapaan sa mga komunista.

Batay ito sa mga dokumentong nakuha ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang engkwentro sa NPA sa Bukidnon noong February 2017.

Nang kanselahin ng Pangulo ang peace talks, ay minadali ng CPP-NPA ang kanilang plano na humikayat ng iba’t ibang mga grupo na magsama-sama kontra sa administrasyon.

Ang plano aniya ng CPP-NPA na mag-organisa ng malawakang street protests na parang “People Power” ay dapat sanang magreresulta sa pagpapatalsik sa Pangulo ngayong Oktubre.

Pero walang nakuhang suporta ang mga komunista, na nakita sa matumal na paglahok ng masa sa ikinasang “black Friday” protest noong September 21.

Kaya kahit na sineseryoso ng militar ang banta ng “Red October,” ay itinuturing nalang nilang mga “irritants” ang CPP-NPA na walang kakayahang pabagsakin ang pamahalaan, at panggulo nalang. | ulat ni Leo Sarne