“Red October” hindi seryosong banta sa seguridad – PNP Chief Albayalde

Hindi itinuturing ng Philippine National Police  (PNP) na seryosong banta sa seguridad ng bansa at sa Pangulong Rodrigo Duterte ang “Red October” ouster plot.

Sa kanyang regular Monday press conference sinabi ni Albayalde na “cause for concern” lang ito, pero imposible na magtagumpay ang mga kalaban ng pamahalaan na pabagsakin ang administrasyon.

Kasabay nito, ipinagtanggol ni Albayalde ang pagsisiwalat ng Pangulo ng planong patalsikin siya sa pwesto.

Ayon sa PNP Chief, may access ang Pangulo sa impormasyon mula sa iba’t-ibang intelligence agencies kaya may basehan ang kanyang pagbubunyag.

Magugunitang ang Pangulong Duterte ang unang nagsabi na may nabuong alyansa ang kanyang mga kalaban para patalsikin siya sa pwesto ngayong Oktubre.

Sinegundahan naman ng militar ang pahayag ng Pangulo sa pagsisiwalat ng “Red October” ouster plot na pinangungunahan ng CPP/NPA.  | ulat ni Leo Sarne